Saturday, March 14, 2009

Sa dako pa roon

Nais kong makapag-lathala ng isang akda sa wikang tagalog. Maaaring ito'y isang suntok sa buwan kung inyong iisipin, ngunit minsa'y kinurot ang aking isipan ng mga ideyang maaaring maging pribelehiyo ang pagiging mahusay sa pagsulat sa wikang ito at maaari rin itong maging daan sa isang trabahong hindi ganoong napupuno ng makabagong mundo. Kung ako ma'y mapabilang sa mga nilalang na mapapamahal sa wikang ito'y...ABA! Nariyan ang ipagmamalaki ko pa ito at itataguyod. Nalalaman kong nadadalang na lamang ang nagnanais magwika sa sarili nilang wika. Tanging wikang Ingles, Korean, Mandarin Espanyol at kung anu-ano pa ang nais matutunan, ngunit ang tunay na lengwaheng kinalakha'y halos itapon sa kawalan.

Naisip mo bang maaring natatamnan mo ng hinanakit ang ating Mahal na Inang Pilipinas sa iyong ipinapakita? Kung oo, sana'y marinig at maramdaman ng puso mo ang paghikayat niyang ibalik ang sarili natign lahi sa wikang ngayo'y sadlak na limot at kasaysayan. Kung hindi, tigilan mo na ang pagbukas sa blogspot website ko at tahasang pindutin ang start button, kung saan naroon ang Shut Down at patayin na ang iyong kompyuter.

Dahil hindi ako maaring magwika sa Ingles, (dahil narin sa sariling kalokohan at mga naiisip), hinahamon ko ang sariling magsulat ng purong Filipino lamang. Kahit ako'y balunguyngoyin na dito.

Haro josko! Ang isang tatsulok na Tobleron sa aking daliri'y gumulong sa ibaba ng hindi ko napapansin. Sayang naman. Huling piraso na lamang iyon ng mga tsokolateng dinala ng aking ama mula sa kanyang pagbalik sa Qatar. Hay naku. Malimit itong katamaran ko'y umiiral, hindi lamang sa paaralan kundi pati sa tahanan. Kahiya-hiya. Akalain mong nag-aatubili pa akong pulutin ang kaydugyot tignan na tsokolate sa ibaba ng aking lamesa.Kung hindi ko pa ito pulutin ay malamang, dadagsa na rito ang mga langgam na akala mo'y may biglaang piyestang inihulog ang Diyos Langgam nila sa kanila. Ngunit akala lang nila iyon. Ayoko namang maging ikalawang tahanan ng mga surot na iyon ang aking silid, kaya marapat na pulutin ko na. Ngayon na. Ngunit napakabigat pa ng aking puwit at ayaw maalis ng aking mga daliri sa pagmamanikiliya. Titigan nalang natin ang dahan-dahang natutunaw na tsokolate. Aba't kay-inam pala pagmasdan. Tila chocolate hills na dinaanan ng delubyo at naglalandslide ng putik na kaylagkit ang mga bahagi niyon. Ngayo'y nakadikit na sa sahig. Dikit at parang kinakailangan ko ng kumuha ng tisyu para mapunasan ang maiiwan niyang mantsa.

Sandali! Nag-iwan ng mensahe si punong patnugot. Mag-online diumano ako. HA-HA. Malamang hindi ko gagawin iyon. Kahit sabihin mong mahal na mahal ko ang pagsusulat at ito ang kukunin kong kurso sa kolehiyo, kung siya naman ang tanging mag-uutos sa akin sa araw -araw na paninibilhan ko sa mundong ito'y, ABA. SALAMAT NALANG. Ikaw nalang ang magsulat sa pahayagan niyo! Hindi naman ako galit. Marahan pa ako. Kalmado. Ngunit minsa'y natitinag ko ang pagmamalait niya at pagiging mapag-hiling na tao. Marunong at nasisiyahan akong sumunod sa mga utos ng nakakataas sa akin, ngunit, kung labis na ito at siya'y nawawalan na ng respeto sa akin, aba'y may karapatan dina kong hindu sumunod, kahit minsan. Masahol pa siya sa........ :-/

Hindi pa naman natutunaw ang dakilang tsokolate. Buhay pa siya. Walang tinag. Ay sus, kay pala din at magigipitan ka ng hininga at mag-lalandslide ang mga kalamanan ng iyong katawanan. Ipasak ko kaya muli ito sa repridyeretor? Mukang mas mainam ang kanyang pigura. Hindi. Hindi pigura. Lilok! Isa na siyang obrang lilok kung imumuli ko siya sa rep. Mabenta ko kaya kung ito'y hindi matunaw? Hmm.

Ahh. Tapakan ko kaya? Kaso nakakapanlumo namang isipin. Hindi lang basta kadiri, nakakapagod pa. Siyempre, hindi lang iyong putikin na sahig namin ang lilinisin ko, pati iyong kaylinis at singputi ng papel kong paa ang huhugasan. Ayy. Huwag nalang pala. Matatakpan ang mas-maiitim-pa-sa-uling-na-dumi ko sa paa ng asungot na kumuloy na iyan.

"Mike Torio is now online." Ang aking kaibigan, online. Wala lang. Commercial.

Alam mo ba? Kanina napanuood ko ang "The Curious Case of Benjamin Button" kasama ang pinakamamahal at pinakamagandang kapatid , na si Abby. Walang kasing-tuwa ang naramdaman ko nung malaman ko ang kwento nito. Ito ay tungkol sa binatang si Benjamin, hindi, hindi binata. Matanda. Matandang kay daming wrinkles, mahina ang pandinig, malabo ang paningin, puti ang buhok, nakasakay sa wheel chair at kung anu-ano pang mga senyales ng katandaan. Magulo? Sige ulit. Ito ay tungkol kay Benjamin, na ipinanganak na matanda. At tuluyang nagiging bata ang pisikal na kaanyuan sa pagtanda. Isang taong gulang ay walumpong taong gulang na ang kanyang anyo. Mababa. Hirap maglakad. Ugod-ugod. Mahina ang pangangatawan at kung anu-ano pa. Ito ang napakalubhang kadahilanan kaya siya ipinagtabuyan ng kanyang tunay na ama, at siya'y inampon na lamang ng kanyang ikalawang ina mula sa pagkaka-iwan sa labas ng kanilang tahanan.

Naroong nakilala niya si Daisy.... ang babaeng may asul na mata na talaga nga nama'y kaakit akit titigan kaytulad ng isang rosas sa kanilang hardin. 7 taong gulang si Daisy ay 73 gulang ang kanyang anyo. Ngunit sila'y masayang - masaya sa pagsasama nilang dalawa sa paglaro, pagbasa ng libro, pagtungo sa ilalim ng lamesa upang magsabihan ng sikreto, pagsakay sa barko at kung anu-ano pa.

Nakita ko na lamang ang sarili kng umiiyak noong dapit na sa pagkakasakit sa puso't damdamin si Ben. Maaring natanggap na niya lahat ng kutsa at pang-aapi, at lalo pa itong ndagdagan nang matukoy niyang si Daisy ay may iba ng mahal. Kay sakit-sakit para sa kanya niyon sapagkat sa paglusob niay sa giyera, pagrinig niya ng mga balang lumilipad at pagkita ng mga bangkay na duguan sa karagatan ay tanging ang pamilya niya at si Daisy ang naiisip niya. At malalaman niyang...... :-/

Siyempre pelikula. Palaging may masayang pagtatapos, kahit may kaunting panunuya. Bumunga ang pagmamahalan ni Ben at Daisy. Ngunit dahil na rin sa napaka-pahamak na sakit ni Ben ay ninais na rin niyang mailagay sa tahimik ang kanyang pamilya. Tinahak niya ang kinabukasan ng walang kasiguraduhan ngunit dala-dala sa puso ang pagmamahal sa kanyang asawa at anak na si Carol.

Kinuha si Ben ng Maykapal mula sa bisig ng kanyang asawa na hele-hele pa siya. Oo nabasa mo iyon. Hele. Kinakantahan talaga siya. Dahil bumalik siya sa kanyang pagkasanggol sa kanyang ganap na kamatayan. At tanging si Daisy lamang ang naka-alam nang tunay na mga sinapit niya sa malupit na buhay niya. Malupit, ngunit pinasalamatan niyang buhay dahil sa mga biyaya nito sa kanya.

Kaylungkot talagang isipin kung mayroon mang nilalang na mabibiyayaan ng ganoong karamdaman. Mararanasan niyang makipagtalik sa mababang edad pa lamang. HA-HA.

Pumasok lamang sa isip ko, mas mainam pala magsulat sa sarilig wika. Mas madali mong maipapahayag ang iyong nararamdaman. Mas malaya mong naipapakita ang iyogn sarili. Hindi na kailangan pa ng mga salitang konyo na wala namang ginawa kundi balinguyngoyin ako. Hay naku. Tara mga kaibigan, magFilipino na tayo.

Hindi naman masama kung minsa'y masubukan mo. Tunay siyang nakakatuwa. Malayang pagsulat eh. Kung mapadalas man ang pagsulat ko sa wikang ito..aba. Sana'y dalawin niyo parin ang aking website ha.

Yung tsokolate. Hay. Napulot ko na kanina pa. Napakahabang deskripsyon pa bago ko pinulot. Bulok naman kasing pagmasdang natutunaw iyon sa aking mga mata. Parang nais niyang ipahiwatig na H-O-T ako. Hay ikaw talaga tsokolate. Makatulog na nga. =)

No comments: